Sinusuportahan ng Dagupan City Police Office (CPO) ang panukalang Anti-Balaclava Ordinance sa lungsod sakaling maipasa ito ng Sangguniang Panlungsod bilang isang ganap na ordinansa.
Tinalakay ang panukala sa Sangguniang Panlungsod, na iniakda ni City Councilor Joey Tamayo.
Ayon kay PMAJ Napoleon Eleccion Jr., OIC ng City Investigation and Detective Management Unit ng Dagupan CPO, may mga exemption o hindi sakop ng panukalang ordinansa, kabilang ang mga nagmamaneho ng sasakyan.
Aniya, maaari pa ring magsuot ng bonnet o facemask ang mga motorista habang nagmamaneho. Hindi rin umano sakop ng pagbabawal ang mga gumagamit nito habang nasa oras ng trabaho at nagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon, gaya ng mga Muslim na may kaugnay na religious practices.
Samantala, sinabi ni Eleccion na pag-uusapan pa ang kaukulang penalties sa panukala. Aniya, hindi maaaring basta na lamang sitahin o bigyan ng ticket ng pulis ang isang tao nang walang malinaw o makatwirang dahilan.
Batay sa kanyang naging karanasan nang siya ay naka-assign sa Mindanao, sinabi ni Eleccion na mahalagang manatiling alerto at mapagmatyag ang mga pulis at iba pang law enforcement agencies, lalo na sa mga sitwasyong maaaring may banta sa seguridad.
Aniya, kung may kahina-hinalang kilos ang isang tao at may sapat na dahilan upang pagdudahan na may dala itong armas o baril, maaari itong sitahin at siyasatin alinsunod sa umiiral na mga patakaran, kahit pa nasa lugar o panahon ng isang religious activity.
Gayunman, kinilala ni Eleccion ang hamon sa pagpapatupad ng naturang ordinansa, lalo na kung mga barangay officials at iba pang law enforcement personnel ang magiging katuwang sa implementasyon.
Ayon sa opisyal, maaaring maging hamon ang kakulangan sa kaalaman, kakayahan at sapat na skills training ng ilang personnel pagdating sa tamang paglapit at paghawak sa mga taong itinuturing na kahina-hinala.
Iginiit na mahalaga ang wastong pagsasanay at malinaw na guidelines upang matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng ordinansa habang napoprotektahan ang seguridad at mga karapatan ng mga residente.










