Dagupan City – Nararanasan ng mga tricycle driver sa Dagupan City ang hirap dulot ng patuloy na mataas na presyo ng gasolina, na nakaaapekto sa kanilang kita at kakayahang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ayon kay Adan Gabat, isang tricycle driver sa lungsod, kakaunti na lamang ang kaniyang mga biyahe dahil hindi sapat ang kinikita upang matapatan ang gastos sa gasolina.

Dalawang biyahe lamang umano ang kaniyang naisagawa sa loob ng ilang oras na pamamasada.

--Ads--

Sinabi ni Gabat na umaabot sa 200 pesos ang kaniyang karaniwang gastos sa gasolina, ngunit hindi ito sapat para sa buong araw na pamamasada.

Sa mga araw na mas marami ang pasahero, maaari umanong umabot sa 500 hanggang 600 pesos ang gastos sa gasolina, habang kailangan pa nilang maglaan para sa pagkain at iba pang pangangailangan ng pamilya.

Bagama’t umiiral na ang fare matrix na nagtatakda ng pamasahe na 30 pesos, sinabi ni Gabat na nahihirapan pa rin silang makasabay sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Dahil dito, umaapela siya ng tulong mula sa pamahalaan para sa mga tricycle driver at iba pang mga tsuper na nakararanas din ng pagbaba ng kita bunsod ng mataas na presyo ng petrolyo.