Hindi agad inilabas ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, Pangasinan ang calamity funds matapos ideklara ang State of Calamity sa bayan noong kasagsagan ng habagat.
Ayon kay Lingayen Sangguniang Bayan Committee on Agriculture Chairman Councilor Jonathan Ramos, sa halip na gamitin agad ang pondo, pinili umano ng LGU na ireserba ito para sa mga posibleng susunod na kalamidad.
Aniya, kabilang sa mga dahilan nito ang pagdating ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na ipinamahagi sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Sinabi ni Ramos na ilang beses ding nakapagbigay ng ayuda ang LGU, partikular sa mga residenteng nasa evacuation centers.
Nakatanggap din umano ang mga apektadong pamilya ng food packs mula sa DSWD, kabilang ang 36,000 goods na ipinadala para sa mga benepisyaryo. Dagdag pa niya, kung hindi sapat o hindi maibigay ang mga goods, saka sana gagamitin ang calamity funds.
Gayunman, nang dumating ang kahilingan kay Congressman Mark Cojuangco, napagpasyahan umanong ireserba na lamang ang pondo bilang paghahanda sa mga susunod na kalamidad.
Samantala, sinabi ni Ramos na sa mga nakaraang sesyon ng Sangguniang Bayan ay iminungkahi ang pagbuo ng komiteng tututok sa mga proyekto para sa flood mitigation. Si Councilor Norman Doroteo ang chairman ng komite, habang si Ramos ang vice chairman.
Layunin umano nitong suriin ang mga posibleng dahilan ng matinding pagbaha sa Lingayen, na umabot sa tinatayang walong talampakan sa ilang lugar, kabilang ang pag-apaw ng Agno River at kakulangan ng floodgates at flood control structures.




