Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa publiko na ipagpatuloy ang panawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang inakusahan ang kasalukuyang administrasyon ng umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan, korapsyon, at paggamit sa mga institusyon ng gobyerno laban sa mga kritiko.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Duterte na walang ebidensya ang impeachment case laban sa kanya at binatikos ang Kongreso sa umano’y paggamit sa kapangyarihan nito upang maghanap lamang ng ibubato laban sa kanyang kampo.
Kinuwestiyon din ng Bise Presidente ang pagkulong kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kontrobersiyal na flood control scandal at inakusahan ang administrasyon ng harassment at pagtatangkang patahimikin ang mga senador at kaalyadong nagsasalita laban sa pamahalaan.
Sinabi ni Duterte na hindi siya maaaring manahimik habang nakikita ang paghihirap ng mamamayan mula sa epekto ng pagbaha hanggang sa mataas na bilihin, kaya’t hinimok niya ang kanyang mga tagasuporta na ipagpatuloy ang pagkilos para sa kinabukasan ng kasunod na henerasyon.
Samantala, mabilis namang kinuwestiyon ng House prosecution panel ang pampublikong panawagan ng Bise Presidente.
Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, may malinaw na posibleng conflict of interest sa panawagang ito dahil si Duterte mismo ang pangunahing makikinabang at hahalili sa puwesto sakaling bumaba sa pwesto ang Pangulo.
Pinalagan din ni dating Surigao del Norte Representative Ace Barbers ang pahayag ng Bise Presidente at sinabing bagaman karapatan nitong ipahayag ang kanyang opinyon, dapat pa rin nitong igalang ang due process at ang mga legal na proseso sa mga kasong kinakaharap nito.
Kasalukuyan namang ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court ang nakatakda sanang arraignment ni Duterte sa kasong grave threats habang hinihintay ang opisyal na komento ng Department of Justice kaugnay ng inihain na motion ng depensa.
Tumanggi naman ang legal counsel ng Bise Presidente na ibunyag sa media ang eksaktong nilalaman ng naturang motion habang nakabinbin pa ito sa korte.










