Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na anng Pilipinas ay nakakuha ng mataas na marka sa Programme for International Student Assessment (PISA), na aniya ay patunay ng pag-unlad ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Batay sa PISA 2025 results ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), tumaas ang marka ng Pilipinas sa tatlong pangunahing larangan kumpara noong 2022.

Umabot sa 373 ang science, 371 sa mathematics at 367 sa reading. Katumbas ito ng pagtaas ng 17 puntos sa science, 16 sa mathematics at 20 sa reading.

--Ads--

Ayon kay Pang. Marcos, kabilang ang Pilipinas sa pinakamabilis umunlad na education systems sa mundo, lalo na sa reading.

Tumaas din ang porsiyento ng mga 15-anyos na estudyanteng umabot sa minimum proficiency level. Mula 24 porsiyento noong 2022, naging 31 porsiyento sa reading mula 16 naging 24 porsiyento sa mathematics; at mula 23 naging 32 porsiyento sa science.

Sinabi ng Pangulo na bunga ito ng pagtutulungan ng mga estudyante, guro, magulang, komunidad at pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni Pang. Marcos na hindi dapat tumigil sa mga reporma sa edukasyon at dapat pang palakasin ang mga programa para sa mga mag-aaral.

Giit ng Pangulo, patuloy ang pagtatayo ng mga classrooms, at ang pagpapalawak ng internet connectivity, pagbibigay ng computers, school supplies at learning materials.