Dagupan City – Nagpapatuloy ang libreng transportasyon ng Provincial Government of Tarlac at City Government of Tarlac sa mga Tarlaqueño na nangangailangan ng ligtas at tuloy-tuloy na biyahe kasunod ng pagkasira ng dalawang tulay ang Aquino at Agana Bridge sa lalawigan dahil sa naranasang masamang panahon.
Sa ilalim ng Free Transportation Assistance Program, naglalaan ang pamahalaang panlalawigan ng libreng sakay para sa mga residenteng kailangang bumiyahe upang maipagpatuloy ang kanilang trabaho, pag-aaral at iba pang mahahalagang gawain.
Bukod sa libreng sakay, nagbibigay rin ng libreng pagkain ang mga awtoridad sa mga residenteng naghihintay ng masasakyan bilang karagdagang tulong.
Pinangunahan ni Governor Christian Yap at Tarlac City Mayor Susan Yap ang pagpapatupad ng programa bilang agarang tugon sa epekto ng pagkasira ng dalawang tulay.
Layunin nitong mabigyan ng alternatibong paraan ng transportasyon ang mga residenteng maaaring maapektuhan ang regular na pagbiyahe.
Ayon sa ilang residente, malaking tulong ang programa dahil nabibigyan sila ng pagkakataong makabiyahe nang ligtas habang hindi pa ganap na naaayos ang mga nasirang tulay.
Tiniyak naman ng pamahalaang panlalawigan na magpapatuloy ang mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maibigay ang kinakailangang serbisyo sa mga Tarlaqueño habang hindi pa naaayos ang nasirang tulay sa lalawigan.










