Dagupan City – Patuloy ang pagtutok ng lokal na pamahalaan ng Binmaley, Pangasinan sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, kabilang ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang ayuda at iba pang serbisyo.
Ayon kay Binmaley Mayor Pedro Merrera III, bagama’t may pondo ang lokal na pamahalaan para sa pagtugon sa kalamidad, hindi ito basta-basta ginagastos dahil kinakailangang sundin ang mga umiiral na direktiba at proseso sa paggamit ng pondo.
Patuloy rin ang koordinasyon ng LGU sa mga uniformed personnel upang mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente.
Patuloy naman ang monitoring ng Municipal Social Welfare and Development Office sa kalagayan ng mga residente.
Isinumite na rin ng Sangguniang Bayan ang mga kinakailangang dokumento para sa deklarasyon ng state of calamity, kabilang ang pagtatasa sa pinsala sa imprastraktura, agrikultura at aquaculture.
Kasabay nito, binabantayan din ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon ng mga indibidwal na maaaring maapektuhan ng kagutuman at kawalan ng trabaho dahil sa pagbaha, upang maagapan ang posibleng paglala ng kanilang kalagayan at matiyak ang patuloy na pagtugon sa kanilang pangunahing pangangailangan.










