Binigyang diin ang pangangailangan ng sapat na guidance counselors sa mga paaralan kasunod ng magkakasunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga mag-aaral. Itinuturing na mahalaga ang pagkakaroon ng mga propesyonal na maaaring lapitan ng learners para sa kanilang mga suliranin at makapagbigay ng agarang intervention bago lumala ang mga problema.
Ayon kay Alleli Jill Barberan, registered guidance counselor, inirerekomenda ng Department of Education ang ratio na isang guidance counselor para sa bawat 500 mag-aaral. Gayunman, marami pa ring paaralan ang hindi umano sapat ang bilang ng guidance counselors, kaya nanawagan siya na tiyaking naaayon ang pagkuha ng mga counselor sa bilang ng mga mag-aaral.
Kabilang din sa mga hamon ang paggamit ng social media, kung saan mas madaling nalalantad ang mga bata sa marahas na nilalaman. Dahil dito, mahalagang mabantayan ang mga mag-aaral at mapansin agad ang anumang pagbabago sa kanilang kilos o pag-uugali na maaaring may kaugnayan sa posibleng insidente ng karahasan.
Mahalaga rin ang koordinasyon ng Department of Education at Philippine National Police para sa seguridad sa mga paaralan, kasabay ng patuloy na paggabay sa mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng sapat na counseling, maagang pagtukoy sa mga problema at agarang intervention, mas maiiwasan ang paglala ng mga sitwasyong maaaring mauwi sa karahasan.










