Tinawag ng House prosecution panel na “architect” at “mastermind” si Vice President Sara Duterte sa paghawak at paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), habang kinuwestiyon din ang diumano’y pabago-bagong paliwanag ng kanyang tanggapan na inilarawan ng prosekusyon na posibleng isang “scam.”

Sa nagpapatuloy na pagdinig sa Senate Impeachment Court, binusisi ni counsel for prosecution Atty. Mae Divinagracia ang mga dahilan sa paggamit ng confidential funds para sa mga surveillance activity at ang apat na magkakaibang bersyon ng OVP hinggil sa paggasta ng naturang pondo.

Dahil dito, itinatanong ng prosekusyon kung ang pabago-bagong pahayag ng tanggapan ay indikasyon ng pagsisinungaling o isa lamang itong pagnanakaw o “scam.”

--Ads--

Agad namang pinalagan ng defense team ang paggamit ng mga salitang “scam” at “nagsisinungaling,” dahilan upang ipag-utos ang pagpapatanggal o pagpapabura ng mga ito sa opisyal na rekord ng paglilitis.

Sa hiwalay na bahagi ng pagtatanong, nagprisinta ang prosekusyon ng mga dokumentong nagpapakitang si Duterte umano ang mismong humiling ng ₱250 milyong confidential funds, nagpasiya sa halagang ihihiling, at lumagda sa mga kaukulang dokumento para sa pagpapalabas at liquidation ng pondo—bagay na ginamit ng prosekusyon upang ilarawan siya bilang “architect” at “mastermind” ng buong operasyon.

Gayunpaman, pinatanggal din sa rekord ang mga naturang kataga matapos mag-apela ang panig ng depensa.

Upang maiwasan ang paulit-ulit na paggamit ng mga hindi angkop na salita at ang patuloy na pagtutol ng depensa, si Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero na mismo ang nagtanong sa testigong si Lemuel Ortonio kung ang lahat ng transaksyon—mula sa paghingi ng pondo, paggastos, liquidation, hanggang sa pagtugon sa mga audit finding—ay alam, nasa ilalim ng supervision, at inotorisa ng bise presidente.

Kinumpirma naman ito ng testigo at sinabing ang mga mismong pirma ng bise presidente ang naging batayan ng kaniyang awtorisasyon sa mga naturang transaksyon.