Patuloy ang pagtugon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Tarlac sa epekto ng pagbaha dulot ng Habagat at bagyong tumama sa lalawigan, ayon kay PDRRM Officer Marvin F. Guiang.

Ayon kay Guiang, nasa 19 evacuation centers pa rin ang bukas sa lalawigan, na kasalukuyang nagsisilbing pansamantalang kanlungan ng 1,305 pamilya o katumbas ng 4,195 indibidwal.

Sa kabuuan, 13 sa 18 lugar na sakop ng kanilang monitoring ang naapektuhan ng pagbaha, kabilang ang 192 barangay. Umabot naman sa 39,268 pamilya o 132,246 indibidwal ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan ng baha.

--Ads--

Samantala, mino-monitor din ng PDRRMO ang 10 naiulat na insidente ng pagkalunod. Gayunman, nilinaw ni Guiang na kailangan pa itong ma-verify ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang matukoy kung ang mga insidente ay direktang may kaugnayan sa Habagat o sa bagyong tumama sa lugar.

Bukod dito, nagpapatuloy ang sandbagging operation sa Barangay San Isidro, kung saan malubhang napinsala ang slope protection. Ayon kay Guiang, kinakailangang mapigilan agad ang paglala ng sitwasyon dahil maraming pamilya ang maaaring maapektuhan kung tuluyang masira ang naturang proteksyon.

Binigyang-diin din ni Guiang ang patuloy na koordinasyon ng mga local disaster risk reduction and management officers sa mga senior citizen at iba pang vulnerable sectors sa lalawigan.

Aniya, regular nilang mino-monitor ang kanilang mga area of responsibility upang matukoy ang kanilang kalagayan at pangangailangan at agad itong maiulat sa pamahalaang panlalawigan.

Kasabay nito, patuloy din ang koordinasyon ng PDRRMO sa mga uniformed services, kabilang ang Philippine Army, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Philippine Air Force, bilang bahagi ng paghahanda at pagtugon sa anumang emergency.

Muling iginiit ni Guiang na pangunahing konsiderasyon sa pagsususpinde ng klase at trabaho ang kaligtasan ng mga mamamayan, partikular ang mga mag-aaral.

Gayunman, nanawagan siya sa mga magulang at tagapag-alaga na tiyaking mananatili sa ligtas na lugar at nasa bahay ang kanilang mga anak kapag may ipinatutupad na suspension.