Pinatawan ng pansamantalang suspensiyon ng Bureau of Customs (BOC) ang opisyal ng port police sa Zamboanga City, na umano’y ama ng estudyanteng suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school campus Martes ng umaga.

Kinumpirma ito ni Customs Deputy Chief of Staff Atty. Chris Bendijo.

Aniya, sasailalim sa imbestigasyon ang kanilang empleyado para matukoy ang kaniyang posibleng pananagutan sa insidente.

--Ads--

Una na kasing nadiskubre sa inisyal na imbestigasyon na ang ginamit na baril ng estudyanteng suspek sa pamamaril ay pag-aari ng kaniyang ama. Dalawang matataas na kalibre ng baril ang ginamit ng suspek sa krimen, isang 9mm pistol at isang M16 rifle

Samantala, hindi na nagbigay ng karagdagan pang detalye ang kawanihan.

Nauna nang kinumpirma ng Police Regional Office (PRO) 9 na dalawang estudyante ang kumpirmadong nasawi kabilang ang mismong shooter, na nagbaril sa sarili kasunod ng pamamaril sa campus.