May karapatan ang mga manggagawa na tumanggi sa pagpasok sa trabaho kung malinaw na naglalagay sa panganib sa kanilang buhay at kaligtasan, alinsunod sa mga probisyon ng Occupational Safety and Health Law.
Ayon kay Julius Cainglet, vice president ng Federation of Free Workers, nakadepende pa rin sa employer o management ang pagpapasya kung magpapatupad ng suspensiyon ng trabaho kapag masama ang panahon.
Dahil dito, hangga’t walang idinedeklarang suspensiyon ng trabaho, maraming manggagawa ang napipilitang bumiyahe at suungin ang baha, malakas na ulan at iba pang panganib upang hindi mawalan ng kita.
Binigyang-diin ni Cainglet na partikular na mabigat ang sitwasyon para sa mga minimum wage worker na karaniwang saklaw ng patakarang “no work, no pay.”
Aniya, kahit manatili sa bahay ang isang manggagawa upang matiyak ang kaligtasan, wala rin itong matatanggap na sahod. Dahil dito, napipilitan ang ilan na isugal ang kanilang kaligtasan at pumasok sa trabaho kahit delikado ang lagay ng panahon.
Kasabay nito, nanawagan ang grupo na mabigyan din ng tulong ang mga manggagawang nawawalan ng kita dahil sa suspensiyon ng trabaho dulot ng kalamidad o masamang panahon.
Ayon kay Cainglet, hindi lamang mga indigent o pinakamahihirap na sektor ang dapat makinabang sa mga programang ayuda, kundi pati mga manggagawang “no work, no pay” na nawawalan ng kita tuwing napipilitang manatili sa kanilang mga tahanan dahil sa panganib.
Giit niya, mahalagang matiyak na hindi mapipilitan ang mga manggagawa na mamili sa pagitan ng kanilang kaligtasan at pang-araw-araw na pangangailangan.










