Hinimok ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang mga senador na ipaliwanag ang umano’y P24 bilyong “leadership fund” na inilaan sa 2025 national budget.

Ayon kay Abante, dapat malinaw kung saan nakasaad sa budget ang pondo, para saan ito, sino ang nakinabang at paano ito ginastos.

Sinabi niya na dapat ding alamin kung may kontrol ang mga senador sa pondo matapos maipasa ang national budget.

--Ads--

Nalaman umano ni Abante ang tungkol sa leadership fund matapos itong mabanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig sa Sandiganbayan kaugnay ng kaso laban kay dating Sen. Ramon Revilla Jr.

Ayon kay Bonoan, kabilang sa 2025 DPWH budget ang P24 bilyong leadership fund.

Napag-usapan umano nila noon ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri ang alokasyon, kung saan maaaring makatanggap ang bawat senador ng hindi bababa sa P500 milyon, habang hanggang P1 bilyon naman para sa mga chairman ng malalaking komite.

Sinabi ni Abante na walang katulad na leadership fund sa House of Representatives.

Samantala, tinawag ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y pondo na mas masahol pa sa pork barrel, na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.