Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, umabot sa 57% ang nabawas sa paperworks ng mga guro o mga gawaing tumutukoy sa pagproseso ng mga dokumento, office works, at iba pang kahalintulad na gawain.
Sa pamamagitan nito ay mas nakakapag-pokus aniya ang mga guro sa kanilang pagtuturo sa mga estudyante.
Ayon pa kay Angara, tuloy-tuloy ang pag-hire ng DepEd sa mga non-teaching personnel para sila na ang sumalo sa paperworks.
Kabilang dito ang hanggang 5,000 Administrative Officers at Project Development Officers na aatasang gagawa ng non-teaching works na matagal nang pinoproblema ng mga guro.
Ayon pa kay Angara, target ng DepEd na protektahan ang teaching time at hayaan lamang ang mga guro na magturo sa mga eskuwelahan sa halip na kinakain ang oras sa paperworks.
Bahagi ito aniya ng reporma ng DepEd, habang pinagbubuti at pinoprotektahan ang kapakanan ng mga guro.










