Inamin ni House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na kabilang sa mga pinakahihintay niyang talakayin sa nagdaang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang proseso ng impeachment na kinakaharap ngayon ni Vice President Sara Duterte.

Bagama’t hindi binanggit ng Pangulo ang usaping ito bilang pagtalima sa nauna na niyang posisyong hindi makialam sa anumang constitutional process ng impeachment, inihayag ni Luistro sa eksklusibong panayam nito sa Bombo Radyo na nasiyahan pa rin siya sa pangkalahatang mensahe ng SONA na napuno umano ng mga mahahalagang usapin sa bansa.

Ayon pa kay Luistro, ang pinaka naging paborito aniya ay ang bahagi ng SONA kung saan tinalakay ng Pangulo ang pag-aalis ng system’s loss para sa mga konsyumer upang maibsan ang pahirap sa mga Pilipino bunsod ng mataas na singil sa kuryente.

--Ads--

Bukod dito, pinuri din ni Luistro ang naging pag-anunsyo ng Pangulo sa posibleng tax relief o exemption sa pagbabayad ng buwis para sa mga manggagawang Pilipino na kumikita ng nasa P350, 000 pababa, na tiyak umanong magsisilbing malaking tulong sa mga ordinaryong manggagawa.

Pinuri rin niya ang pagtalakay ng Pangulo sa mga kamakailang isyu tungkol sa pag-aangkin ng mga karatig-bansa sa ilang teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas; humanga umano siya sa naging pahayag ng Pangulo na ukol sa pagkakaisa ng mga Pilipino upang labanan ang pang-aapi ng ibang bansa kahit pa sa gitna ng dibisyon dulot ng isyu sa politika.| via Bombo Dennis Jamito