Binigyan ng limang grado ng grupong Pangisda Pilipinas ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Pablo Rosales, presidente ng Pangisda Pilipinas, na wala umanong malaking ipinagkaiba ang nilalaman ng SONA ngayong taon kumpara sa mga naunang talumpati ng Pangulo.

Ayon kay Rosales, hindi naging malinaw ang plano ng administrasyon kung paano mapapaunlad ang lokal na industriya ng pangisdaan at agrikultura.

--Ads--

Aniya, higit na nakatuon ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda na panakip sikmura lamang at nbaqkaasa sa importasyon sa halip na magpatupad ng mga pangmatagalang hakbang upang mapalakas ang produksyon at kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka.

Iginiit din niya na wala umanong konkretong programa para sa pag-angat ng kabuhayan ng sektor, at sa halip ay binigyang-diin ang mga proyektong matagal nang kinokontra ng ilang grupo.

Dagdag pa niya, maikli na lamang ang natitirang halos dalawang taon sa panunungkulan ni Pangulong Marcos para maisakatuparan ang iba pang malalaking proyekto na kanyang binanggit.

Hiniling din ng Pangisda Pilipinas na i atras na ang mga proyektong tinututulan ng ilang sektor, kabilang ang pagsusulong ng paggamit ng nuclear energy.

Samantala, napansin din ni Rosales na hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang SONA ang usapin ng impeachment trial at mga pangyayari ngayon sa senado.