Mananatili si Senador Rodante Marcoleta ng isang linggo sa infirmary ng New Quezon City Jail kung saan nakapiit din sina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon Revilla.

Nilinaw naman ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jayrex Bustinera na hindi ito special treatment sa senador dahil ihahalo rin siya kalaunan sa ibang mga preso.

Paliwanag pa ni Bustinera na isang linggong oobserbahan at isasailalim sa quarantine si Marcoleta dahil mayroon siyang risk factor gaya ng kaniyang edad at mily pneumonia sa gitna ng pagtaas na rin ng kaso ng COVID-19 cases sa Quezon City.

--Ads--

Sa oras aniya na ilipat na si Marcoleta sa general population, makakasama niya sa isang selda ang siyam na iba pang person deprived of liberty (PDLs). May lawak aniya na 50-square meter ang selda at may dalawang ceiling fans. Mayroon din aniyang “shared TV” sa magiging selda ng senador.

Ipagbabawal naman aniya ang paggamit ng gadget, cellphone, laptop at pag-access sa internet.

Samantala, nilinaw rin ni Bustinera na hiwalay ang mga selda nina Marcoleta, Estrada at Revilla dahil magkakaiba ang petsa na naipiit sila at dahil nagkakapunuan ang mga selda kung saan aniya ang available, doon dadalhin si Marcoleta.