Nananatiling kabilang si Office of the Vice President Chief of Staff Zuleika Lopez sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon para sa isa pang artikulo ng impeachment, ayon kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ng House prosecutors.
Bagama’t inalis na ng prosekusyon si Lopez bilang testigo sa artikulong may kaugnayan sa kasong grave threats, pagdedesisyunan pa kung ipatatawag siya upang tumestigo sa artikulong nag-aakusa sa Bise presidemte ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Kapunan, nakalista pa rin si Lopez bilang testigo sa isa pang impeachment article kaya posibleng muli siyang maipatawag sa tamang panahon, depende sa magiging pasya ng public prosecutors.
Noong Martes, ipinaalam ng prosekusyon sa Impeachment Court na hindi na nito ihaharap sina Lopez at House Legislative Security Bureau Executive Director Belinda Bello bilang mga testigo sa kasong grave threats, dahil magiging paulit-ulit na lamang umano ang kanilang testimonya batay sa mga naging kaganapan sa paglilitis.
Una nang nakatakdang tumestigo si Lopez na naroon siya sa House detention center noong Nobyembre 23, 2024 nang sabihin umano ni VP Sara sa isang video conference na may kinausap siyang tao upang ipapatay ang Pangulo, First Lady at dating House Speaker sakaling mapatay siya.
Nakatalaga rin sana siyang magpatunay sa pagiging lehitimo ng naturang video.
Gayunman, sinabi ni Kapunan na napatunayan na ang mga naturang detalye kaya hindi na kinakailangan ang kanyang testimonya sa naturang artikulo.










