Inihayag ni Thailand prime minister Anutin Charnvirakul, na bumisita sa pinangyarihan ng insidente noong Lunes ng madaling-araw, na ayon sa isang musikero na nagtatanghal nang sumiklab ang sunog, “may narinig na pagsabog at sinubukan ng lahat na tumakas mula sa makapal na usok at apoy.”

Ayon pa sa musikero, marami ang hindi nakalabas ng bar dahil “tumakbo sila sa likurang bahagi ng gusali at nagtangkang magtago… sa banyo,” ayon sa pahayag ni Anutin.

Nabatid na naagapan ng mga bumbero ang sunog sa loob ng humigit-kumulang tatlumpung minuto matapos silang maalerto ng isang dumaraang drayber.

--Ads--

Sa kabila nito, siyam na lalaki at 18 babae ang nasawi. Mahigit 60 katao naman ang kasalukuyang ginagamot sa ospital, kabilang ang 22 na nasa kritikal na kondisyon, ayon sa mga awtoridad.

Ipinakita ng mga larawan mula sa loob ng bar matapos ang sunog na ang mga mesa, upuan, dingding, at kisame ay natupok at nangingitim dahil sa matinding apoy.

Nasaksihan din ang mga taong nagtatakbuhan palabas habang mabilis na nilamon ng malaking sunog ang bar. Makikita rin sa mga larawan ang mga pares ng bahagyang nasunog na tsinelas na nakakalat sa kalsada sa labas ng establisimyento.

Ayon kay Suriyachai Raviwan, direktor ng departamento ng disaster mitigation ng Bangkok, ipinapakita ng paunang imbestigasyon na karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa paglanghap ng usok.

Sinabi naman ni Gobernador Chatchart Sittipunt ng Bangkok na posibleng nakatulong sa mabilis na pagkalat ng apoy ang mga madaling magliyab na dekorasyon sa kisame ng bar.

May mga ulat din na may mga taong natagpuang walang malay malapit sa emergency exit ng gusali, na nagpapahiwatig na maaaring may harang sa daanan palabas, dagdag pa ng gobernador.

Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na makukumpirma lamang ang mga ito matapos ang masusing imbestigasyon ng mga forensic expert.

Isinalaysay ng isang motorcycle rider na si Surin Jaiharn sa AFP na nakatulong siya sa humigit-kumulang limang kataong makatakas mula sa nasusunog na bar sa pamamagitan ng paggamit ng damit upang apulahin ang apoy sa kanilang mga katawan.

Samantala, sinabi ng drayber s na binasag niya ang mga bintana upang matulungan ang dalawang tao na makatakas.

Makikita ang mga basag na bintana at mga sirang kasangkapan na nakatambak sa labas ng pasukan ng bar. Lumabas din ang mga nakapanlulumong larawan ng maraming body bag na nakahanay sa labas ng establisimyento.