Hindi bababa sa 27 ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang bar sa Bangkok, Thailand, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay Punong Ministro Anutin Charnvirakul, hindi bababa sa 27 bangkay ang narekober matapos ang sunog na sumiklab sa isang bar sa Bangkok.
Kaagad na rumesponde ang mga bumbero ilang minuto matapos ang hatinggabi at nadatnan ang mga kostumer na nagtatakbuhang palabas sa pangunahing pasukan ng establisimyento na noon ay nilalamon na ng apoy.
Sa mga video na kumalat sa social media, makikitang malalakas na apoy ang bumabalot sa gusali habang nag-uunahang tumakas ang mga tao. Ilan sa mga ito ay sumisigaw, nadadapa, at may mga naiulat pang nasunugan ng katawan.
Bukod sa mga nasawi, marami rin ang isinugod sa ospital para sa agarang gamutan. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
Batay sa salaysay ng isang musikero na tumutugtog nang magsimula ang insidente, nagsimula umano ang sunog sa isang electrical cut-out switch bago mabilis na kumalat ang apoy. Sinundan ito ng malakas na pagsabog na nagdulot ng matinding usok at nag-udyok sa mga tao na magtakbuhang palabas.
Gayunman, maraming biktima ang hindi na nakalabas matapos magtungo sa likurang bahagi ng gusali at magtago sa mga palikuran upang makaiwas sa usok at apoy. Dito rin natagpuan ang karamihan sa mga nasawi.
Ang bar, na kinilalang Rong Beer Na Lat Phrao, ay matatagpuan sa Chatuchak District ng Bangkok at kilala bilang isang tanyag na kainan at entertainment venue sa lugar.
Ayon sa ulat, naapula ng mga bumbero ang sunog sa loob ng humigit-kumulang 30 minuto.
Makikita sa mga larawang kuha matapos ang insidente na halos tuluyang naabo ang loob ng establisimyento, kung saan maitim na ang mga dingding at kisame at bahagyang bumigay ang ilang bahagi nito.
Samantala, may ilan pang indibidwal na iniulat na nawawala habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na isang motorista ang unang nakapansin sa sunog bandang alas-11:30 ng gabi (lokal na oras). Agad umano siyang huminto, binasag ang mga bintana ng bar, at nakatulong sa pagliligtas ng dalawang katao bago dumating ang mga bumbero.










