Iginiit ng prosecution sa ikalawang araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na malinaw umanong paglabag sa tiwala ng publiko ang mga naging pahayag nito na naglalaman ng banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez.
Sa pagdinig nitong Martes, Hulyo 7, iniharap ng prosecution ang mga kopya ng mga umano’y pahayag ni Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024, at iba pang mga sumunod na pahayag.
Tinanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung bakit itinuturing na mabigat na batayan sa impeachment ang naturang mga pahayag.
Ayon kay private prosecutor Atty. Amando Ligutan, ipinakikita umano ng mga ito na may plano o sistema ang sinasabing pagbabanta, kabilang ang umano’y pagkontrata sa isang mamamatay-tao.
Iginiit din ni Ligutan na hindi aniya normal ang pagbabanta sa buhay ng isang nakaupong Pangulo at sinabi niyang ito ang kauna-unahang pagkakataong nangyari ito sa kasaysayan ng bansa.
Binigyang-diin pa ng prosecution na ang naturang mga umano’y kilos ay “110 percent” na paglabag sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko sa Bise Presidente.
Matapos ang paliwanag ng prosecution, hindi na muling nagtanong si Hontiveros.










