Posibleng aayusin muna ang ilang mga mosyon at mga procedural issues sa unang araw ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Ayon kay House Prosecution spokesperson Ace Barbers, kailangang maging solido ang pag-usad ng trial at masigurong walang anumang procedural lapses o legal na problema para tuloy-tuloy na ang trial.

Ang pagresolba o pag-aayos muna sa ilang procedural issues aniya ay mahalagang hakbang bago simulan ang pagpresenta ng mga ebidensiya at mga testigo, na maaaring isagawa na sa mga susunod na araw.

--Ads--

Magsisimula sa araw ng Lunes ang trial laban sa pangalawang pangulo at inaasahang magtatagal ng mahigit pitong buwan.

Ayon kay Barbers, plano ng lahat ng mga prosecutor na dumalo sa unang araw ng pagdinig, kasama na ang mga bagong private prosecutor na hindi pa nakakapagpasok ng ‘entry of appearance’.

Giit ni Barbers, nakahanda na ang panel sa pagpresenta ng ebidensiya at mga testigo, at sa posibilidad na matagalan ang trial.

Sa ngayon, maayos aniya ang samahan sa pagitan ng mga abogado, sa kabila ng kanilang bilang, at magkakaibang legal background.