Dagupan City – Iginiit ng IBON Foundation na nananatiling hindi nagbabago ang kalagayan ng maraming Pilipino sa kabila ng pagtaas ng minimum wage sa National Capital Region (NCR) ng ₱85 at ng pagkakabilang ng Pilipinas sa mga bansang may upper-middle income status.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, mababa pa rin ang kasalukuyang halaga ng minimum wage kung ihahambing sa antas nito noong dekada 1980. Aniya, hindi pa rin sapat ang mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang lumalalang suliraning pang-ekonomiya.
Sinabi rin ni Africa na ang patuloy na paglobo ng utang ng pamahalaan ay sumasalamin sa kakulangan ng epektibong aksyon upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa.
Ipinaliwanag pa niya na ang pagiging isang upper-middle income country ay maaaring magresulta sa mas mataas na interest rate sa mga pautang na maaaring hiramin ng bansa mula sa mga pandaigdigang institusyong pinansyal.
Ayon pa kay Africa, walang direktang kaugnayan ang deklarasyon ng World Bank sa tunay na pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, ang naturang institusyon ay matagal nang nagsusulong ng mga polisiyang hindi umano nakatutulong sa pagpapalakas ng lokal na industriya ng bansa.
Bilang solusyon, iminungkahi ng IBON Foundation ang higit na pagpapalakas ng lokal na produksyon at pag-export ng mga produktong gawa sa Pilipinas upang mapalawak ang ekonomiya.
Iginiit din ni Africa na dapat mas mataas ang buwis o singil sa interes na ipinapataw sa mayayamang sektor at malalaking kumpanya upang magkaroon ng mas malaking ambag ang mga ito sa pag-unlad ng ekonomiya.










