Dagupan City – Inilahad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 ang mga pangunahing hamon na patuloy na kinakaharap ng sektor ng pangisdaan sa rehiyon, kabilang ang epekto ng pabago-bagong panahon, pagbaba ng kalidad ng tubig, at patuloy na banta ng illegal fishing.

Ayon kay BFAR Region 1 Regional Director Remely Lachica, isa sa mga malaking suliranin ang mababang lebel ng tubig sa ilang fishpond, na naglilimita sa pagpapalaki ng isda at paglalagay ng mga fingerlings.

Dagdag pa niya, ang matinding init at pagbabago sa kondisyon ng tubig ay maaaring magdulot ng stress sa mga isda, na nagreresulta sa tinatawag na gasping o kakulangan ng oxygen, kaya kinakailangang magsagawa ng agarang hakbang ang mga fish farmer.

--Ads--

Bukod dito, nananatili ring hamon ang illegal fishing na patuloy na nagbabanta sa yamang-dagat.

Hinikayat ng BFAR ang mga mangingisda na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga kinauukulan ang anumang iligal na aktibidad upang agad itong matugunan sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies.

Binigyang-diin din ni Lachica ang pangangailangan ng mas maraming pasilidad tulad ng cold storage at fish processing facilities upang mabawasan ang post-harvest losses at mapataas ang halaga ng mga produktong pangisdaan.

Aniya, mahalaga ring matiyak ang sapat na suplay ng fingerlings sa pamamagitan ng mga hatchery upang mapanatili ang produksyon ng bangus, tilapia at iba pang high-value aquatic commodities.

Patuloy namang ipinatutupad ng BFAR Region 1 ang iba’t ibang programa at teknikal na suporta para sa mga mangingisda at fish farmer upang mapalakas ang produksyon, maprotektahan ang yamang-dagat at mapaunlad ang kabuhayan ng sektor ng pangisdaan sa rehiyon.