Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ngayong Hulyo 1, 2026, inihayag ni Senator Risa Hontiveros na may mga indikasyon na ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City ay naimpluwensiyahan ng isang dayuhang grupo.
Tinukoy ng senadora na ang pamamaril ay posibleng may kaugnayan o impluwensiya mula sa tinatawag na “764 Network”. Ang grupong ito ay nagmula sa Texas, USA.
Sa United States, ang 764 ay opisyal na itinalaga bilang isang mapanganib na “global child exploitation enterprise”.
Ayon sa natuklasan ng komite, ang modus operandi ng grupong ito ay tinatarget ang mga bulnerableng kabataan sa internet. Ginagamit nila ang mga chat functions sa mga online gaming platforms upang maging “adult groomer”.
Bini-brainwash at nira-radicalize nila ang mga bata upang mang-gaya ng mararahas na gawain tulad ng school shootings, gumawa ng pornograpiya, at manakit ng ibang tao o maging ng kanilang sarili.
Samantala, nilinaw rin ni Sen. Hontiveros sa pagdinig na hindi ang mga laro o ang gaming community ang kaaway sa isyung ito.
Pinasubalian niya ang mga pekeng balita na nananawagan siya para sa kabuuang pagbabawal I total ban ng mga online games tulad ng Roblox o GoreBox.
Sa halip, ang layunin aniya ng imbestigasyon ng Senado ay silipin kung paano nagkakaroon ng butas ang mga safeguards ng mga digital platforms.
Nais din ng komite na protektahan ang mga kabataang Pilipino laban sa mga mapanlinlang na dayuhang grupo na gumagamit sa mga online spaces para magpalaganap ng karahasan.










