Tahasang inilarawan ni France Castro, guro at dating kinatawan ng ACT Partylist, bilang “toxic” ang buwan ng Hunyo matapos ang sunod-sunod na insidente ng karahasan at trahedya sa mga paaralan sa pagpasok ng academic year 2026-2027.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Castro na ang lumalalang sitwasyon ng mga karahasan sa sektor ng edukasyon ay hindi lamang isolated cases kundi isang sistemikong pagkabigo na nag-uugat sa lipunan, kultura, at palyadong mga polisiya.

Kinuwestiyon ni Castro ang seguridad sa mga eskwelahan, partikular ang kakulangan sa mga security guard. Partikular na ang nangyaring pamamaril sa San Jose National High School, kung saan iisang gwardya lamang ang nagbabantay sa kabila ng pagkakaroon ng maraming gate at libo-libong estudyante.

--Ads--

Aniya, kailangang maglaan ang Department of Education (DepEd) ng sapat na budget para sa mga regular na security guards sa halip na iasa lamang ito sa mga barangay tanod o temporary hires na minsan ay tatlong buwan lang ang kontrata dahil sa kawalan ng pondo mula sa MOOE. Bagama’t suportado ang paglalagay ng CCTV, iginiit ni Castro na mas mahalaga ang sapat na tauhan na magbabantay sa mga strategic na lugar.

Binatikos din ni Castro ang tila hindi epektibong pagpapatupad ng Mental Health Act at Anti-Bullying Act sa loob ng DepEd. Ayon sa kanya, kapos ang bansa sa mga guidance counselor dahil sa mataas na qualification requirements ngunit mababa naman ang pasahod sa mga empleyado. Isinusulong niya ang ratio na isang guidance counselor sa bawat 250 estudyante upang matutukan ang kapakanan ng mga bata.

Kasabay nito, muling ipinanukala ni Castro ang paglilimita sa class size sa maximum na 35 estudyante. Sa kasalukuyan, umaabot sa 50 hanggang 60 ang bata sa isang klase, dahilan upang hindi na matutukan ng mga guro ang pag-uugali at mental health ng bawat mag-aaral.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang dating mambabatas sa madaling access ng mga kabataan sa mga matatalas na sandata at baril. Bilang solusyon, iminungkahi niya na ang mga pulis na off-duty ay dapat iwan ang kanilang mga baril sa headquarters upang hindi ito mapaglaruan o makuha ng mga bata sa loob ng tahanan.

Binanggit din niya ang impluwensya ng social media at computer games bilang isa sa mga salik na nagtutulak ng karahasan sa mga kabataan.

Mariin namang tinutulan ni Castro ang mga panukalang ibaba ang age of criminal liability sa 10 taong gulang, na tinawag niyang “barbaric” at “inhuman”. Sa halip, hinimok niya ang komunidad, mga magulang, at ang pamahalaan na magtulungan upang matugunan ang root cause ng karahasan at magbigay ng hustisya sa mga biktima.