Nauwi sa draw ang laban ng mga bigating football team na England at Ghana, 0-0.

Walang nakapagpasok ng goal sa pagitan ng dalawang koponan dahil sa matibay at malalim na depensa, sa kabila ng pagtatangka ng magkabilang panig na ipasok ang maraming goals.

Sa panig ng Ghana, sinadya nitong gumawa ng ‘park the bus’ o maglaro ng malalim na depensa upang pigilan ang opensiba ng Engaland.

--Ads--

Sa naturang laban, hawak ng England ang halos 80% ng possession sa unang kalahating bahagi ng laban.

Gayunpaman, napigilan ng Ghana ang lahat ng pagtatangka ng English team habang hindi rin nakapagpasok ang African team ng anumang goal.

Pagsapit ng ika-86 na minuto, nagkaroon ng isang pagkakataon ang England para magpasok ng goal ngunit sa kasamaang-palad, tumama pa ito sa crossbar.

Ang naturang goal ay isang header ng substitute na si Nico O’reilly. Bagaman nakuha ng England ang rebound, nasayang lamang ito dahil hindi rin pumasok ang sipa ng English striker na si Harry Kane at sa halip ay tumama lamang sa ibabaw ng net.

Dahil sa tablang desisyon, kapwa may tig-apat na puntos ang dalawang koponan sa ilalim ng Group L.

Kailangan na lamang ng isang puntos sa kani-kanilang huling laban upang opisyal na makapasok sa Round of 32.