Inilatag ni Luz De Guzman, kinatawan ng Local Finance Committee ng Dagupan, ang mga detalye ng Supplemental Annual Investment Program (SAIP) No. 2 para sa taong 2026. Nilinaw ni De Guzman ang pagkakaiba ng mahigit P195 milyong supplemental budget sa SAIP, na kinapapalooban ng P17.19 milyong Special Education Fund (SEF) at P27.6 milyong Trust Fund.

Ayon kay De Guzman, ang P17.19 milyong pondo mula sa SEF ay hindi na kinakailangan ng appropriation ordinance dahil inaprubahan na ito ng Local School Board, ngunit kailangang maisama sa investment program upang ma-disburse. Kabilang sa mga prayoridad na proyekto ng administrasyon ni Mayor Belen Fernandez ang P8 milyong pondo para sa pagbili ng mga musical instruments (drum and lyre/band) para sa iba-ibang paaralan upang mailayo ang atensyon ng mga estudyante sa masasamang bisyo. Pagkakabit ng mga solar streetlights sa mga madidilim na bahagi ng mga paaralan upang maiwasan ang mga aksidente at insidente ng krimen. Pagbili ng mga interactive boards, laptop, at computer units, gayundin ang pagpapatayo ng perimeter fence sa Bonuan Boquig National High School.

Kasama rin ang karagdagang pondo para sa maintenance at operating expenses matapos maubos ang badyet dahil sa mga insentibo para sa mga nanalo sa R1AA at iba pang kagamitang pang-isports. At ang pagbili ng mga “emergency go bags” o kits na may gamot at kagamitan para sa mga pampublikong paaralan bilang paghahanda sa inaasahang “The Big One”.

--Ads--

Samantala, ang P27.6 milyong Trust Fund ay nakalaan para sa mga proyektong may tiyak na layunin. Kabilang dito ang P27 milyong pondo mula sa DBM para sa pagpapatayo ng Materials Recovery Facility (MRF) na may sorting station, composting facility, at recycling facility.

Isinama rin ang P600,000 para sa pagbili ng mga mesa at upuan para sa child development center sa Bacayao Sur.

Binigyang-diin ni De Guzman na kailangang maisama agad ang mga proyektong ito sa SAIP upang masimulan na ang bidding process sa oras na ma-download ang pondo mula sa nasyonal na pamahalaan.