Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) nitong Martes ng gabi hinggil sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa inilunsad na Long March 3B rocket ng China sa mga karagatang malapit sa Palawan at Rozul Reef sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa PhilSA, inilunsad ng China ang Long March 3B rocket mula sa Xichang Satellite Launch Center nitong Martes ng hapon.

Batay sa kanilang pagsusuri, ang ilang bahagi ng rocket na hindi nasunog habang papunta sa kalawakan ay maaaring bumagsak sa mga itinakdang drop zone sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

--Ads--

Kabilang dito ang mga lugar na nasa karagatan na malapit sa Puerto Princesa at Quezon sa Palawan, gayundin sa Rozul Reef.

Bagama’t hindi inaasahang babagsak ang mga debris sa mga komunidad, sinabi ng PhilSA na maaari pa rin itong magdulot ng panganib sa mga barko, eroplano, bangkang pangisda, at iba pang sasakyang-dagat na daraan sa lugar.

May posibilidad din umanong maanod ang mga debris at mapunta sa mga kalapit na baybayin.

Hindi rin inaalis ng ahensya ang posibilidad ng tinatawag na uncontrolled re-entry, kung saan maaaring bumalik sa atmospera ang ilang bahagi ng rocket mula sa kalawakan nang hindi kontrolado.

Dahil dito, pinaaalalahanan ng PhilSA ang publiko na huwag lapitan o pulutin ang anumang kahina-hinalang bagay na maaaring mula sa rocket.

Ayon pa sa ahensya, maaaring may taglay pa itong mapanganib na kemikal tulad ng natitirang rocket fuel.