Umaabot sa higit 95,000 na trabaho ang iaalok sa 55 job fair sites sa buong bansa sa pagdiriwang ng 128th Independence Day sa Biyernes.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na 1,181 local at overseas employers ang inaasahang lalahok sa magkakasabay na job fairs na inorganisa ng DOLE regional offices at Public Employment Service Offices (PESOs), na nag-aalok ng kabuuang 95,240 trabaho sa iba’t ibang industriya.
Ang mga pangunahing bakanteng trabaho ay nasa retail, manufacturing, construction, business process outsourcing, at accommodation and food services. Kabilang sa mga pinaka-in-demand na posisyon ay ang sales clerks/store crew, production operators, construction workers, call center representatives, at service crew.
Ang job fairs ay tatampukan ng one-stop-shop services para sa documentary requirements sa tulong ng mga kalahok na ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang NBI, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Magkakaloob din ng career development support, kung saan mag-aalok ang TESDA ng mga oportunidad para sa pagsasanay at pagpapahusay ng kasanayan.
Ang mga karagdagang serbisyo ay kinabibilangan ng mga training course at micro-credential program mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT); tulong sa eligibility requirements, training schedules, at government vacancies mula sa Civil Service Commission (CSC); at suporta para sa near-hire applicants sa pamamagitan ng training referrals at job-matching assistance.
Hinihikayat ang mga job seeker na magdala ng maraming kopya ng kanilang résumé at iba pang pre-employment documents upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon at mapataas ang kanilang tsansa sa on-the-spot hiring.
Ang DOLE TRABAHO AGAD, isang nationwide hiring initiative, ay magkakasabay na isasagawa sa 55 venues simula sa Hunyo 10.










