Inaasahang makikipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin sa ASEAN-Russia Summit sa Kazan, Russia sa Hunyo 17 hanggang 18, ayon kay Russian Foreign Affairs Minister Sergey Lavrov.
Sinabi ni Lavrov na inaasahang dadalo si Marcos sa pagpupulong bilang bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Russia, bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon dito mula sa Malacañang.
Kabilang sa mga tatalakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, agrikultura, agham at teknolohiya, edukasyon, turismo, at iba pang larangan, kasabay ng hangarin ng Russia na palakasin ang ugnayan nito sa ASEAN bago ang pamumuno ng Pilipinas sa organisasyon sa 2026.
Matatandaang dalawang beses nakipagpulong kay Putin noon ang predecessor ni Pangulong Marcos na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang panunungkulan, na ayon kay Lavrov, ay isang mahalagang kontribusyon sa pagpapalawig pa ng kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Russia.










