Taos-pusong humingi ng paumanhin ang tanggapan ni Fourth District Representative Gina de Venecia sa mga estudyante at magulang na nakaranas umano ng matinding abala at pagod sa isinagawang pamamahagi ng educational assistance noong Mayo 28, 2026.

Sa inilabas na pahayag ng opisina ng kongresista, kinilala nito ang hinaing ng mga benepisyaryo na matagal umanong naghintay sa pila sa ilalim ng matinding init ng panahon.

Ayon sa tanggapan ni De Venecia, nauunawaan nila ang pagkadismaya ng ilang estudyante at magulang dahil hindi naging maayos at komportable ang naging proseso ng distribusyon.

--Ads--

Ipinaliwanag naman ng opisina na layunin ng programa na makatulong at makapagbigay-suporta sa mga kabataang nagsusumikap makapag-aral, subalit inako rin nito ang pagkukulang sa naging sistema ng pamamahagi.

Dagdag pa ng tanggapan, agad nilang rerepasuhin at pag-iigihin ang kanilang proseso upang maging mas organisado, mabilis, maayos, at komportable ang mga susunod na distribution ng assistance programs.

Nagpasalamat din ang opisina ng kongresista sa patuloy na pang-unawa, pasensya, at pagtitiwala ng publiko sa kanilang mga programa para sa mga estudyante sa ika-apat na distrito ng Pangasinan.