Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang posibleng epekto ng inaasahang super El Niño na maaaring maranasan sa bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, batay sa impormasyon mula sa PAGASA, inaasahang mararanasan ang super El Niño simula kalagitnaan ng Hunyo hanggang unang bahagi ng Hulyo, na maaaring tumagal hanggang Agosto at Setyembre.
Dahil dito, nakahanda na ang iba’t ibang tanggapan ng provincial government upang agad na makatugon sa anumang magiging epekto nito sa lalawigan.
Kabilang sa mga nakikipag-ugnayan at naghahanda ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, Office of the Provincial Agriculturist o OPAG, Provincial Health Office o PHO, Provincial Engineering Office, at iba pang kaugnay na mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon pa kay Vice Gov. Lambino, hinihintay pa nila ang magiging resulta ng mga pagpupulong at rekomendasyon mula sa mga kinauukulang tanggapan upang matukoy ang mga karagdagang hakbang na dapat ipatupad.
Tiniyak naman ng bise gobernador na may sapat na koordinasyon sa pagitan ng mga tanggapan upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot, kakulangan sa suplay ng tubig, at iba pang suliraning maaaring idulot ng super El Niño.
Samantala, patuloy na binabantayan ng pamahalaang panlalawigan ang mga susunod na abiso ng PAGASA upang maagap na makapagpatupad ng mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan sa Pangasinan.










