Mariing itinanggi ng kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na siya ay “armed and dangerous” habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng iniulat na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag, sinabi ng legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc na walang katotohanan ang naturang paglalarawan sa senador.
Ayon kay Bondoc, ang NBI umano ang “armed and dangerous” dahil armado ang mga tauhan nitong nagsasagawa ng operasyon para ipatupad ang warrant na hindi pa umano naipapakita sa kampo ng senador at hindi rin dumaaraan sa lokal na korte.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na standard protocol lamang ng ahensya na ituring na “armed and dangerous” ang lahat ng subject ng operasyon o mga indibidwal na sineserbisyuhan ng warrant bilang bahagi ng kanilang security precautions.
Ipinaliwanag ni Matibag na laging naghahanda ang mga operatiba sa posibilidad na armado ang kanilang target upang matiyak ang kaligtasan ng mga tauhan sa operasyon.
Samantala, patuloy na kinukuwestiyon ng kampo ni Dela Rosa ang legalidad ng umano’y warrant mula sa ICC, lalo na ang umano’y kawalan nito ng proseso sa ilalim ng lokal na hudikatura ng bansa.
Si Dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.










