Tampok sa isinagawang Kadiwa ng Pangulo sa bayan ng Manaoag ang ibat ibang lokal na produkto mula sa mga lokal na asosasyon sa ibat ibang bahagi ng Pangasinan para maghatid ng murang produkto sa mga mamayan ng Manaoag ngayong araw.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na isinasagawa nila ito kada ikatlong miyerkules ng bawat buwan para ipakita ang suporta sa mga lokal na produkto, ani ng mga magsasaka, at iba pang pagkain na ipinagmamalaki sa lalawigan.

Katuwang nila dito ang Provincial Agriculture Office, Municipal Agriculture Office at 18 hanggang 20 mga lokal na asosasyon at negosyante na nagbebenta ng ibat ibang mga produkto.

--Ads--

Malaking tulong aniya ang ganitong programa para makabili ng mura ang bawat mamayan sa taas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.

Isa ang Silag Integrated Livelihood Association sa bayan ng labrador sa mga asosasyon na inimbitahan sa kaganapan kung saan nagtitinda sila ng mga egg products, fermented rice, atsara, at mga kakanin na gawa mismo ng kanilang grupo.

Ayon kay Iluminada Escaño Garcia ang presidente ng grupo na tatlong taon na ang kanilang grupo kung saan matagal na din silang nakikiisa sa Kadiwa ng Pangulo para maipromote ang kanilang mga paninda upang madami silang kita na makakatulong sa mga kasapi nito.

Mahalaga aniya ito dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na tangkilikin ang sarili nilang produkto at makatulong na din para sa murang benta sa mga konsumer.

Nagpasalamat ito sa tulong ng Provincial Government at kanilang lokal na pamahalaan ng Labrador sa suporta para mas mapalago pa ang kanilang pinagkakakitaan.

Kaugnay nito, ikinatuwa naman ni Maylanie Escosio ang Owner ng Handmade Scrunchies mula sa Manaoag na nasa halos isang taon na siyang kasama sa ganitong gawain kung saan sa pamamagitan nito mas dumami ang customer niya.

Nagkakaroon na aniya siya ng delivery ng kanyang produkto na hair accessories na mismong gawa niya sa mga bayan ng Mangaldan, Binalonan at San fabian.

Ibinahagi niya na naging puhunan niya lamang noon ay 1 libong piso ngunit ngayon ay napapalago na niya dahil nakabili na ito ng makina bilang katuwang sa negosyo kaya kumikita na siya bawat buwan ng 8 thousand to 9 thousand pesos.

Samantala, Layunin ng programang ito na palawakin ang pagkakataon para sa mga lokal na producer na maipakita ang kanilang mga gawa at makipag-ugnayan sa mga mamimili para sa mura at dekalidad na produktong maari nilang mabili.