Nahaharap sa isang malaking “legal gray area” ang bansa kasunod ng tangkang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Atty. Edward Chico, law professor at political analyst, ang Kataas-taasang Hukuman na lamang ang makakapag-resolba kung dapat bang arestuhin nang direkta ang isang tao batay sa ICC warrant o kailangan muna itong dumaan sa domestic local courts.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Atty. Chico na kasalukuyang nag-aaway ang dalawang interpretasyon ng batas: ang RA 9851 na nagsasabing maaaring i-surrender ang isang tao sa international tribunal, at ang Section 17 nito na tumutukoy sa mga extradition laws at Rome Statute na nangangailangan ng pagdaan muna sa korte.

--Ads--

Sa kasalukuyan, hindi alam ang kinaroroonan ni Dela Rosa matapos umanong makatakas sa tangkang paghuli ng NBI. Ayon kay Atty. Chico, sa mata ng NBI, ituturing na “fugitive mula sa hustisya” ang senador hangga’t walang desisyon ang Supreme Court.

Naniniwala rin ang analyst na isang “informed opinion” na magtatago ang senador hanggang sa magpalit ang administrasyon dahil ang pagsuko sa ICC ay nakadepende sa diskresyon at “generosity” ng host state.

Idinagdag pa ni Chico na itinuturing na “person of interest” si Senador Robin Padilla matapos itong makitang kasama ni Dela Rosa na lumabas ng Senado patungong NAIA Terminal 3.

Bagamat hindi pa akusado, nais ng NBI na makakuha ng linaw mula kay Padilla kung may pananagutan ito sa pagtakas ng senador.

Kinumpirma rin ni Chico na may mga naganap na hindi magandang insidente sa gitna ng usapin ng “protective custody” ng Senado, kabilang ang putukan ng baril at ang umano’y pambubugbog sa isang Senador. Nilinaw niya na ang mga indibidwal na nakilahok sa gulo, at hindi ang institusyon ng Senado, ang dapat managot dito.

Samantala, sa kabila ng pagkawala ni Senator Dela Rosa, hindi maaantala ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado. Ang tanging epekto lamang nito ay hindi makakaboto si Dela Rosa. Ayon kay Chico, ang impeachment ay isang “numbers game” at “political exercise” kung saan maaaring magkaroon ng “horse-trading” o gamitan ng leverage ang mga senador base sa kanilang mga sariling kaso o isyu.

Pinayuhan ni Atty. Chico ang publiko na magmatyag at huwag magpadala sa “personality-based politics” kundi bumase sa katotohanan at ebidensya.