Isasapinal sa darating na Miyerkules ang pinal na ulat ukol sa naganap na barilan sa Senado noong Mayo 13.
Sa kasalukuyan, kinakalap na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kopya ng CCTV footage.
Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang hakbang matapos ihayag ni Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na limitado ang kanilang naakalap na CCTV footages.
Ayon kay Aplasca, walang nakuhang footage na nagpapakita sa aktwal na galaw ng mga tauhan ng Senado at Philippine Marines habang nagpuputukan.
Binigyang-diin naman ni Remulla na may hawak silang video mula sa media press na kasalukuyan nang sinusuri ng mga awtoridad.
Matatandaan, sumiklab ang kaguluhan matapos magpakita muli sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng anim na buwang pagtatago.
Ang pagliban ng senador ay nag-ugat sa mga espekulasyon noon hinggil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Iniuugnay si Dela Rosa bilang “indirect co-perpetrators” sa imbestigasyon ng ICC patungkol sa war on drugs. // Via Bombo Everly Rico










