Arestado ang isang hinihinalang street-level drug personality matapos ang isinagawang implementasyon ng search warrant ng Binmaley Municipal Police Station sa isang barangay sa bayan ng Binmaley.

Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, ipinatupad ng kanilang himpilan ang search warrant na inilabas ni Hon. Rickson M. Garong, Executive Judge ng Regional Trial Court Branch 37 sa Lingayen, Pangasinan kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska ng mga operatiba ang limang heat-sealed transparent sachet at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kasama ang iba’t ibang non-drug evidence na umano’y ginagamit sa pagbebenta at pagrerepack ng ilegal na droga.

--Ads--

Kabilang sa mga nakuhang kagamitan ang mga plastic bag, weighing scale, gunting, at lighter na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng ilegal na droga ng suspek.

Tinatayang nasa 1.5 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska na may tinatayang street value na aabot sa P10,000. Isinailalim naman sa forensic examination ang mga nakumpiskang ebidensya upang makumpirma ang komposisyon nito.

Bukod sa pangunahing suspek, isinailalim din sa kustodiya ng pulisya ang isang Child in Conflict with the Law na kamag-anak umano ng suspek matapos itong tangkaing ilabas ang ilang mga bagay habang isinasagawa ang operasyon.

Ayon sa pulisya, may nauna na silang intelligence information at surveillance hinggil sa umano’y paggamit ng suspek sa kanyang mga kamag-anak, kabilang ang mga menor de edad, sa pagdadala at paghahatid ng ilegal na droga.

Isinagawa umano ang paghahalughog sa CICL sa presensya ng mga kinatawan ng Department of Justice at mga opisyal ng barangay upang matiyak ang maayos na proseso ng operasyon.

Batay sa imbestigasyon, residente umano ng Binmaley ang suspek kaya agad nagsagawa ng case build-up ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa umano’y ilegal na aktibidad nito.

Patuloy namang nananawagan ang Binmaley PNP sa publiko na makipagtulungan sa kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang tuluyang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bayan.