DAGUPAN CITY- Hinikayat ang mga kabataan at mamamayan na aktibong makilahok sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026 upang mas makilala ang mga kandidatong tatakbo at matukoy ang mga pangunahing suliraning kinahaharap ng komunidad, lalo na ng sektor ng kabataan.
Ayon kay Angelo Tejoso, coordinator ng Kabataan Partylist–Pangasinan, mahalagang suriin ng mga botante kung sino ang mga kandidato at kung paano nila tutugunan ang mga isyung nararanasan sa barangay, sapagkat dito higit na nararamdaman ang direktang serbisyo ng pamahalaan.
Aniya na ang kahalagahan ng partisipasyon ng mamamayan, lalo na ng kabataan, dahil ang barangay ang pinakamalapit na antas ng pamahalaan kung saan maaaring masimulan ang inaasam na pagbabago sa bansa.
Iginiit ni Tejoso na hindi dapat maliitin ang halalan sa barangay dahil dito nakikita ang agarang epekto ng pamumuno sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente, kaya nararapat lamang na pagtuunan ito ng pansin at pakikilahok.
Nanawagan din ang grupo na ituloy ang BSKE sa itinakdang petsa at huwag ipagpaliban, dahil hindi lamang karapatan ng mga mamamayan ang nakataya kundi maging ang pagkakataon ng kabataan na makilahok sa demokratikong proseso.
Binigyang-diin pa ni Tejoso na mas mahalagang tutukan ang mga isyu tulad ng korupsiyon at mga suliraning kinahaharap ng kabataan kaysa sa usapin ng pagpapaliban ng halalan, upang matiyak na ang boses ng kabataan ay maririnig at maisasakatuparan sa pamahalaan.










