Patuloy na pinalalakas ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang sektor ng turismo sa pamamagitan ng malawakang pagpapaunlad sa Tondaligan Beach at iba pang proyektong inaasahang magbibigay sigla sa lokal na ekonomiya at mag-aakit ng mas maraming bisita.

Ibinahagi ni Mayor Belen Fernandez ang mga hakbang na ginagawa ng lungsod upang gawing pangunahing destinasyon ang Tondaligan Beach sa rehiyon. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga pasilidad at pagpapaganda ng lugar upang mas maging kaaya-aya sa mga turista at residente.

Natapos na ang unang yugto ng pavilion sa naturang beach, at kasalukuyan nang isinasagawa ang ikalawa at ikatlong yugto ng proyekto. Nagagamit na rin ang pavilion sa iba’t ibang aktibidad ng komunidad, habang inaasahang lalo pang mapapaganda ang lugar sa sandaling makumpleto ang mga susunod na yugto.

--Ads--

Kasabay nito, itinatayo rin ang isang malaking senior citizen at leisure center na magsisilbing pahingahan at lugar ng libangan para sa mga nakatatanda. Layunin nitong magbigay ng komportableng espasyo kung saan maaari nilang ma-enjoy ang sariwang hangin at kapaligiran ng baybayin.

Bahagi rin ng plano ng lungsod ang pagpapalakas ng mga aktibidad tulad ng surfing at iba pang water sports. Isinusulong ang mga programang ito kasabay ng pagsasaayos ng kapaligiran, kabilang ang pagsasara ng dumpsite sa lugar, na ngayon ay nasa malinis na kalagayan matapos ang unang yugto ng rehabilitasyon.

Upang makahikayat ng mas maraming kabataan, inilaan din ang pondo para sa pagtatayo ng skateboarding facility na malapit nang makumpleto. Dagdag pa rito, inaasahang muling bubuhayin ang water sports activities ngayong tag-init matapos maantala dahil sa mga nakaraang krisis.

Pinaplano rin ang pagtatayo ng isang museo na may kaugnayan kay Douglas MacArthur, na inaasahang magiging karagdagang atraksyon sa lugar sa oras na maipagpatuloy ang proyekto sa pakikipagtulungan ng pambansang ahensya.

Bukod sa mga pasilidad panglibangan, mayroon ding health center sa Tondaligan Beach na bukas kahit weekend upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumibisita, lalo na ang mga naliligo sa dagat.

Sa kasalukuyan, patuloy na dinarayo ang Tondaligan Beach tuwing Sabado, Linggo at mga pista opisyal, patunay ng lumalaking interes ng publiko sa naturang destinasyon. Inaasahan ng pamahalaang lungsod na sa tuloy-tuloy na pagpapaunlad, tuluyan nang makikilala ang Tondaligan Beach bilang isa sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa rehiyon.