DAGUPAN CITY- Muling ipinapanawagan ng mga transport group ang pagbabasura ng Oil Deregulation Law ngayong napipinto ang panibagong pagtaas sa produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mody Floranda, PISTON, kahit pa man mas mababa ito kumpara sa mga naunang pagtaas, hindi pa sila nakakabawi sa dagok na ipinaranas nito sa kanila.

Giit niya, ang nasabing batas ang nagiging sanhi ng kapabayaan ng gobyerno sa paggalaw ng presyo ng petrolyo sa bansa.

--Ads--

Bukod pa riyan, kanilang itinutulak din ang pagbasura sa excise tax na nagbibigay karagdagang bigat sa kanilang bayarin tuwing nagpapagasolina.

Bagaman nahikayat na ang mga ibang tsuper na bumalik na sa pagpapasada, subalit, ang panibagong pagtaas ay banta sa muling pagtigil ng mga ito.

Habang ang mga ipinangakong ayuda para sa kanilang sektor ay hindi pa natatanggap sa ilang bahagi ng bansa.

At may mga pagkakataon pa na ikinapapahamak ng ilang tsuper ang pagtanggap nito.

Nananawagan naman si Floranda sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdinig sa kanilang panawagan upang maibalik ang karapatan ng gobyerno para sa ikabubuti ng bansa ngayong may umiiral na krisis.