Dagupan City – Nagbukas na ang Phase 1 ng skate park sa Tondaligan Beach na magsisilbing ligtas at maayos na lugar para sa mga kabataan upang matuto ng skateboarding, malinang ang kanilang kakayahan, at makilahok sa mga kompetisyon.

Nagbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga lokal na skater na maipakita ang kanilang talento at maging inspirasyon sa iba pang kabataan sa komunidad.

Itinuturing ang pasilidad bilang mahalagang bahagi ng SAFEnet Program sa lokal na pamahalaan na nagtataguyod ng isang ligtas, disiplinado, at aktibong pamumuhay para sa kabataan.

--Ads--

Inaasahan din ng lokal na pamahalaan na sa tulong ng skate park ay mailalayo ang mga kabataan sa masasamang bisyo at mahihikayat silang makibahagi sa mga positibong aktibidad na makatutulong sa kanilang personal development.

Sa mga susunod na yugto ng proyekto, inaasahang madaragdagan pa ang mga pasilidad upang mas mapahusay ang karanasan ng mga gumagamit nito.