Dagupan City – Naniniwala si San Juan City Mayor Francis Zamora, National President of Cities of the Philippines na pinalalakas ng sports programs ang disiplina at kalusugan ng mamamayan, habang nagsisilbi ring epektibong paraan upang mailayo ang kabataan sa masasamang bisyo, kabilang ang ilegal na droga.

Aniya na mahalaga ang pagpapalawak ng iba’t ibang sports activities tulad ng basketball, volleyball, pickleball na nauuso ngayon, jogging, swimming , at iba pa, upang mahikayat ang mga mamamayan na maging aktibo at malusog.

Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng exhibition games sa pagitan ng mga lungsod ay makatutulong sa pagpapalalim ng ugnayan at pagkakaisa ng komunidad, higit pa sa kompetisyon na siya namang binigyang halimbawa sa pagitan ng Dagupan City at San Juan City.

--Ads--

Samantala, isinusulong din ang pakikipag-ugnayan sa ibang lungsod at lalawigan sa pamamagitan ng sister city agreements upang mapalawak ang kaalaman at kooperasyon.

Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan na matuto ng mga epektibong pamamaraan at maiwasan ang mga pagkakamali ng iba.

Iginiit pa ni Zamora na mahalaga ang ganitong ugnayan lalo na sa panahon ng kalamidad, kung saan maaaring humingi ng tulong sa mga kaagapay na lungsod para sa karagdagang suporta.

Binigyang-diin dito ang pagkatuto mula sa mabubuting gawain at pag-iwas sa maling hakbang ang susi sa mas maayos na pamamahala.