Handa na ang Waste Management Division ng lungsod ng Dagupan para sa darating na Kalutan ed Dalan event na gaganapin bukas, Abril 30, 2026, sa New Devenicia Road Extension sa Barangay Lucao.

Inaasahang dadagsain ng libo-libong bisita mula sa Pangasinan at iba pang bahagi ng bansa ang kaganapan kaya inaasahan din ang dami ng basura.

Ayon kay Bernard Cabison ng Waste Management Division, ang kanilang pangkat ay nagsisilbing “backliner” sa lahat ng aktibidad sa lungsod – mula sa mga kaganapan hanggang sa pagharap sa mga epekto ng bagyo at baha, sila ang nasa hulihan para maglinis at ayusin ang mga lugar.

--Ads--

Aniya na simula ng alas dos ng umaga bukas, sisimulan na nila ang pagsasaayos at paglilinis sa lugar para tiyakin na maaliwalas itong makikita ng mga bisita.

Saad niya na bago at pagkatapos ng kaganapan, inihanda na ang mga truck, trash bags, at iba pang kagamitan para mapanatiling malinis at maayos ang kapaligiran.

Patuloy silang nananawagan sa mga dadalo na maging responsable sa kanilang basura para mapanatiling malinis ang buong kaganapan.

Sa kabilang dako, halos 70% na ng mga tent o canopy, at grill ang naitatayo at nailagay na sa Devenicia Road.

Aabot sa 20,000 piraso ng bangus ang iihawin sa kahabaan ng kalsada, habang may 6 na entablado namang inihanda para sa mga pagtatanghal ng mga kilalang lokal na artista – mula sa rap, sayaw, hanggang sa kantahan.

Ito ang pangunahing tampok ng Bangus Festival 2026 dahil marami sa mga dati nang nakaplanong aktibidad ang natanggal dahil sa kasalukuyang krisis ng bansa.

Para naman tiyakin ang maayos, masaya, at ligtas na pagdiriwang, naglabas ngayong araw si Mayor Belen Fernandez ng Executive Order No. 18 na nagsususpinde ng trabaho sa lahat ng opisina ng Lungsod ng Dagupan simula 1:00 PM hanggang 6:00 PM ng Abril 30.

Gayunpaman, mananatiling bukas ang mga essential na opisina tulad ng mga serbisyong pangkalusugan, disaster response, traffic management, at peace and order, na may skeletal workforce para hindi maantala ang serbisyo publiko.

Samantala, para sa mga pribadong kompanya, ang pagpapasya tungkol sa pagsususpinde ng trabaho ay nasa kamay ng kanilang mga employer.