Arestado ang isang high-value drug suspect sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) SOU 1 sa bayan ng San Jacinto.

Ayon kay Pat. Mark Anthony O. Francisco – PCR/Invest PNCO, Team 2 PDEG Pangasinan, ang operasyon ay isinagawa kasama ang iba pang law enforcement units kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan, PPDEU, PIU Pangasinan, San Jacinto Municipal Police Station, gayundin ang IMEG Luzon Field Unit at RIU-1 IG.

Kinilala ang suspek bilang isang 34-anyos na lalaki, single, freelance student tutor, at kasalukuyang residente ng Pasay City.

--Ads--

Ayon sa pulisya, itinuturing siyang high-value individual dahil sa dami ng ilegal na droga na narekober mula sa kanyang pag-iingat.

Base sa imbestigasyon, matagal nang mino-monitor ng mga awtoridad ang suspek bago isinagawa ang operasyon.

Napag-alaman na bagamat sa Pasay City nagmumula ang suplay ng ilegal na droga, sa Pangasinan isinasagawa ng suspek ang kanyang mga transaksyon.

Idinagdag pa niya na hinihintay lamang ng mga operatiba ang tamang pagkakataon na makipagtransaksyon ang suspek bago isinagawa ang buy-bust operation.

Nakumpiska sakaniya ang mga hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng libo-libong piso.

Ang ilan sa mga ito ay bahagi ng buy-bust deal habang ang iba ay nakuha direkta mula sa pag-iingat ng suspek.

Patuloy naman ang pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Pangasinan, sa layuning mapigil ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.