Binigyan umano ng clearance ng House of Representatives si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para bumiyahe sa Singapore, ayon sa kanyang abogado.
Ito ay taliwas naman sa naunang pahayag ng Office of the Ombudsman na hindi nito pinaburan ang travel request ni Romualdez.
Ipinaliwanag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si Romualdez ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y flood control scandal, kaya’t hindi nila inirerekomenda ang kanyang pag-alis ng bansa at iginiit pa na mas mainam kung sa Pilipinas na lamang siya magpagamot.
Pero nilinaw ng abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na hindi ito travel ban, kundi simpleng koordinasyon lamang sa immigration, at iginiit na nabigyan na ng travel authority ang mambabatas.
Sa isang video, sinabi naman ni Romualdez na bibiyahe siya sa Singapore mula April 20 hanggang May 4 para sa follow-up checkup matapos ang angioplasty at tiniyak niyang babalik siya sa bansa at mananatiling available para sa mga tungkulin sa Kongreso.
Samantala, humihirit ang Office of the Ombudsman ng precautionary hold departure order laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y ₱56-bilyong flood control kickback scheme, kung saan tinukoy siya bilang may napakataas na posibilidad na tumakas at posibleng sangkot batay sa mga testimonya at affidavit ng ilang personalidad gaya ni dating Cong. Elizaldy Co at mga testigong humarap sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.










