Sa gitna ng mga panukalang pagbabago sa sistema ng edukasyon, kabilang ang paglipat sa tri-semester na academic calendar, muling umiigting ang panawagan para sa pagbabalik ng paggamit ng mga textbook sa mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lito Senieto, Vice President, National Parent-Teachers Association iginiit niya na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat at maayos na learning materials bago ipatupad ang anumang pagbabago sa kurikulum.

Ayon kay Senieto, nangangamba ang hanay ng mga guro at magulang sa planong pagpapatupad ng tri-semester system kasabay ng hindi pa ganap na naisasakatuparang “enhanced MATATAG curriculum.”

--Ads--

Aniya, tila sunod-sunod ang mga reporma sa edukasyon mula sa iba’t ibang administrasyon, na kadalasang kulang sa paghahanda at konsultasyon.

Ibinahagi rin niya na sa nakaraang implementasyon ng MATATAG curriculum, maraming guro ang napilitang maghanap ng leksyon online dahil sa kakulangan ng opisyal na learning materials.

Dahil dito, mariing sinusuportahan ni Senieto ang panukalang ibalik ang paggamit ng mga textbook sa mga paaralan. Aniya, may nakalaan namang pondo para dito taun-taon, ngunit nagkakaroon ng problema sa distribusyon at timing ng pagdating ng mga libro.

Bukod sa kakulangan sa materyales, binanggit din ni Senieto ang iba pang hamon sa edukasyon tulad ng dami ng holidays, kalamidad, at iba’t ibang lokal na aktibidad na nakakaapekto sa continuity ng klase.

Kaugnay nito, nananawagan siya ng mas malawak na konsultasyon mula sa mga stakeholder—kabilang ang mga guro, magulang, at lokal na komunidad—bago ipatupad ang mga malalaking pagbabago sa sistema ng edukasyon.