Inaresto sa Prague, Czech Republic ang puganteng si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co matapos umano itong pumasok sa nasabing bansa nang walang tamang dokumento, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, Abril 16, 2026.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Czech authorities si Co habang nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas upang maisagawa ang mga legal na hakbang para sa kanyang agarang pagbabalik sa bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at international law enforcement organizations upang beripikahin ang ulat nang pagkakadakip kay Co sa Czech Republic.

--Ads--

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., isinasagawa ang beripikasyon sa pamamagitan ng opisyal na mga channel upang matiyak ang detalye ng naturang insidente.

Dagdag pa niya, handa ang PNP na magbigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga legal process, kabilang ang koordinasyon para sa posibleng pagbabalik ni Co sa Pilipinas, alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, sinabi naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa silang nakukuhang kumpirmasyon o karagdagang impormasyon hinggil sa naturang pag-aresto.