Inanunsyo ng militar ng Estados Unidos na nagsimula na ang blockade laban sa mga barkong umaalis sa mga daungan ng Iran nitong Lunes, habang nagbanta naman ang Tehran na gaganti laban sa mga daungan ng mga karatig-bansa nito sa Gulf matapos mabigo ang usapang pangkapayapaan noong weekend.
Dahil dito, nanganganib ang umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng dalawang panig.
Mula nang magsimula ang digmaan noong Pebrero 28, epektibong isinara ng Iran ang naturang daanan sa lahat ng sasakyang-dagat maliban sa sarili nitong mga barko.
Ayon sa Tehran, papayagan lamang ang pagdaan kung ito ay nasa ilalim ng kanilang kontrol at may kaukulang bayad.
Bilang tugon, sinabi ni US President Donald Trump na haharangin ng Washington ang mga barkong Iranian pati na ang mga sasakyang-dagat na magbabayad ng nasabing singil.
Samantala, iginiit ng mga kaalyado ng NATO tulad ng Britain at France na hindi sila sasali sa naturang blockade.
Sa halip, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.
Ayon sa Central Command ng U.S. military, ang blockade ay ipatutupad nang “walang pinapanigan” laban sa lahat ng barkong papasok at lalabas sa mga daungan ng Iran sa Gulf at Gulf of Oman.









