Humingi ng paumanhin si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa publiko partikular na sa isa sa mga naaresto dahil sa polisiya na naghahalo lamang ng semento sa bahagi ng Mandaluyong City.
Ani ng kalihim, aminado siya na hindi siya nakapagbigay ng malinaw na mga direktiba kung paano ipapatupad ang inisyatibo at ang mga ordinansa sa ilalim ng Safer Cities Initiative na siyang naglalayon lamang na patahimikin ang mga lansangan mula sa mga krimen.
Aniya, nakatakdang magpulong at makipagtalakayan ang kaniyang opisina katuwang ang iba pang mga law enforcement agencies at maging ang lokal na pamahalaan para maisaayos ang mga konsiderasyon at kakailanganin sa pagpapatupad ng mga polisiya sa ilalim nito.
Pagtitiyak ng kalihim sa publiko, dahil nag-umpisa na ang pagpapatupad nito, ito ay magpapatuloy sa iba’t ibang paraan para mapanatili ang kaayusan sa maga komunidad.
Sa kabila nito, siniguro rin ni Remulla na pag-aaralan nilang maigi ang mga pagbabago at konsiderasyon upang matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong klase ng insidente.
Sa huli, sinabi ni Remulla na layunin lamang nila na mapanatiling maayos ang mga lansangan at mga komunidad na siyang inaasahan ng publiko ngunit binigyang diin na hindi ito magiging perpekto para unti-unting sugpuin ang krimen sa mga lansangan sa bansa.










